What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Mula Lipa hanggang London: Peps Villanueva, Anak ng Uniberso sa Panahon ng Aquarius

Unang Labas

Magkalangkap ang pitlag at pag-usad ng dalawang kasaysayang ito at ang mga ito ay nagsasalimbayan sa dalawang magkalapit na panahon.

Unahin natin si Jose Villanueva—na kinalaunan ay makikilala bilang si Peps Villanueva.

Mga gitna hanggang huling taon ng dekada sitenta ang pinangyarihan ng mga naratibong ito.

Panahon ng The Beatles kung kailan namamayagpag ang mga kantang “Strawberry Fields Forever,” “Ob-La-Di—Ob-la-da,” “Hey Jude,” “All You Need is Love” atbp. hanggang sa “Something,” “Get Back,” “The Long and Winding Road” at marami pang iba.

Taga-Lipa City sa Lalawigan ng Batangas si Jose at ang kanyang kulay ay luntian—simbolo ng buhay, ng pagpaparami, ng pag-asa at iba pang kalugdan ng masayang pagtanaw tulad rin ng mayabong na berdeng halamanan ng siyudad lalo na noong bago at pagkatapos ng Liberasyon at kahit sa panahon ng modernism.

Nasa mataas na paaralan si Jose sa La Salle Green Hills (LSGH) sa San Juan na hindi pa siyudad ng mga taong ‘yon at masasabing siya ay mas nauna pa sa mga coño boys na nagtapos sa paaralang ‘yon tulad nina Edu Manzano, Francis Pangilinan, Enrique Razon, Jr., Ralph Recto, ang magkakapatid na Santiago nina Randy, Rowell at Raymart at marami pang iba pa na nasa sa iba’t ibang larangan ngayon.

Tulad ng kolor ng pamamag-asa at pag-asa, ang berde at puting kulay ng De La Salle ay angkin pa rin ni Jose hanggang sa pagsibol ng kanyang napipintong pagbibinata.  

Apat na taon ang ginugol ni Jose sa pagsusunog ng kilay at pagpanday ng kanyang kamalayan tungkol sa pakikipagkapwa at pagpapaigting ng sarili sa LSGH. Natatandaan ko, ang isa sa mga moog ng eskuwelahan ay si Clemente Bautista, isang makata, alagad ng sining, guro, manunulat at broadcaster sa DZRH noong mga panahong naliligalig ang lipunang Pilipino sa pagkalugmok ng bansa sa kawalang katarungan, sa kakulangan ng panlipunang pagkakapantay-pantay at mga reklamo ng katiwalian sa gobyerno ni Ferdinand E. Marcos.

Samantalang si Jose ay nandoon sa loob ng malamig sa silid-paaralan ng LSGH at ninanamnam ang mga tula ni Alejandro Abadilla at maiiking kuwento ni Genoveva Edroza-Matute o kaya naman ay ang mga akda ni Jose Garcia Villa o Nick Joaquin at ang awit ni Francisco Balagtas na “Florante at Laura” gayundin ang mga nobela ni Dr. Jose Rizal kabilang ang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo,” ang ibang kabataan na kaedad niya o kaya’y mas matanda nang bahagya sa nag-aaral sa mga pampublikong paaralan tulad ng UP o Philippine College of Commerce (PCC)—na magiging Polytechnic University of the Philippines (PUP) kinalaunan o kaya’y Manila High School o V. Mapa High School ay nangagmamartsa at nagbabarikada sa mga kalsada kundi man sa Mendiola ay sa Diliman o sa Plaza Miranda o sa Liwasang Bonifacio bilang protesta sa kawalan ng katarungang panlipunan sa bansa nang dahil sa imperyalismo, kapitalismo, byurukrat-kapitalismo at piyudalismo.

Pero hindi naman nawala ang edukasyon para sa masa sa mga estudyante kahit na ng mga exclusive schools for boys and girls bagamat depende sa bisyon ng paaralan at sa mag-aaral at mga titser mismo.

Baon ni Jose ang kanyang mga sanligan sa lalawigan at sakahan sa Batangas kaya may malinaw din siyang pananaw sa pakikipamuhay sa bawat uri ng tao sa lipunan. Nandoon lamang nga siya sa isang eksklusibong iskul na nagmamahal din sa mamamayan lalo na sa mga susunod pang henerasyon.

Samantala, ang mga estudyante ng Eulogio Rodriguez, Jr. High School—isang pampublikong paaralan—sa Mayon Street sa Quezon City ay iniipon at dinadala ang mga mag-aaral bilang bahagi ng pansibikong aksyon o pakikisalamuha sa iba pang mag-aaral sa lunsod kabilang ang mga nasa unang taon—kahit panggabi—sa P. Bernardo Park para makipagsosyalan sa iba pang kauring estudyante, halimbawa’y mula sa Ramon Magsaysay High School sa Cubao.

Sa kanto naman ng Quezon Avenue at Highway 54—na kinalaunan ay makikilalang Epifanio de los Santos Avenue o EDSA—ay nagbubunot ng mga damo o naghahabas ng kugon ang kinabibilangan naming nsa unang taon ng night school sa ERJHS. Aakalain mo bang ang pinagbubunutan namin ng mga damo ay magiging sentro ng negosyo—ang Centris o kaya naman ay tayuan ng mga informal settler sa may dako pa roon ng kanang bahagi ng kalsada.

Peps Villanueva  at ang kanyang ama na si Jose Sr.

Mga anak ng masa ng ERJHS at RMHS na pinapanday rin ng kamalayan ng pakikisama sa kapwa at paglinang sa karunungan para sa kinabukasan. O pagsisikhay sa mga bagay na kailangang malaman kahiman at impormal na kaangkla ng pag-aaral nang pormal sa loob ng eskuwelahan.

Panahon ng pamamayagpag ng pilosopiya ni Kahlil Gibran at nagsisimula na ang pagtunghay sa mga talata. musa at aral ng “Desiderata.”

Si Jose ay kabilang sa mga nasa gitnang bahagdan ng lipunan bagamat siya’y lantad rin sa mga simple, ordinaryo at mababang antas ng buhay sa kapaligiran dahil ang Lipa naman ay nasa agrikultural ding halayhay sa pinagkukunan ng kabuhayan.

Nang sumapit ang 1968 ay lumipat na ang taga-ERJHS sa katulad ring public school sa probinsiya, sa Lopez Provincial High School sa bayan ng Lopez sa Lalawigan ng Quezon, isang mala-konserbatibong komunidad.

Naiwan si Jose sa LSGH habang usung-uso ang The Association—ang grupong kinabibilangan ng kauna-unahang Pinoy na miyembro ng isang American band, si Larry Ramos—na kumanta ng “Windy” na kasya sa indayog ng horsey-horsey. Pumapailanglang din sa kamalayan ni Jose ang musika ng Dave Clark Five at ang nagbabantang kasikatan ni Diana Ross at Barbra Streisand.

Peps Villanueva  at ang kanyang kabiyak na si Julie Villanueva

Pumapailanglang na ang mga Nora Aunor, Tirso Cruz III, Eddie Peregrina, Perla Adea, Esperanza Fabon, Vilma Santos, Edgar Mortiz at ang kanilang kahenerasyon. Tinatakan ang mga ito na bakya dahil pangmasa at pam-public school samantalang naiintriga kundi man nababakyaan ang mga nasa coed at exclusive schools.

Sa LPHS ay naghalo ang pagsayaw sa “Black is Black” ng Los Bravos at iba pang musika ng The Beatles o Spiral Staircase.

Nakatakda nang magtapos sa mataas na paaralan si Jose samantalang ang lumipat mula sa ERJHS sa LPHS ay nasa ikatlong taon. Maringal at marangal ang pagtatapos ni Jose sa LSGH samantalang ang natatanaw ng nasa provincial public high school ay ang pag-graduate sa isang makulay at maingay na henerasyon nina Nora’t Tirso, Vilma’t Edgar kung saan nais niyang makamtan at gayahin ang lampas-leeg na pagsusuot ng mga feather garland o makakapal na tinuhog na mga bulaklak bilang pagsalubong sa graduation na magaganap pa sa susunod na taon.

Saan kaya magpapatala si Jose sa kanyang kolehiyo? Makapasa kaya siya sa entrance exams ng alinmang eskuwelahang kanyang pag-aplayan? Ano ang nakalaan sa kanyang bagong pagtahak ng edukasyon? (Itutuloy)

Ikalawang Yugto

Ikatlong Yugto

Ikaapat na Yugto

PHOTOS

1)      Peps Villanueva at si Coco Martin

2)      Peps Villanueva kasama ang mga ralyistang sa UK

3)      Peps Villanueva at si congresswoman Geraldine Roman

4)      Peps Villanueva at si Alex Gonzaga

5)      Peps Villanueva at si Althea Vega

6)      Peps Villanueva at si Anton Lagdameo

7)      Peps Villanueva host ng  basketball game

8)      Peps Villanueva kasama ang mga cast ng “Be careful with my heart”

9)      Peps Villanueva kasma ang mga cast ng  “Be careful with my heart”

 

ENGLISH VERSION

Part One

Part Two

Part Three

Part Four

Share this article